BULACAN, Philippines – Naaresto ng mga awtoridad ang isa sa dalawang lalaking responsable sa paglikida ng isang confidential agent ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong nakalipas na taon sa followup operation sa Brgy. Sta. Ines, Bulakan, Bulacan kahapon ng madaling araw.
Hindi na nakapalag pa ng arestuhin ang suspek na si Benjie Cruz, 31, pintor at residente ng Brgy. Sta. Ines sa naturang bayan.
Base sa ulat ni Chief Inspector Reynaldo Magdaluyo ng CIDG-Bulacan dakong ala-1 ng madaling araw habang nagsasagawa ng pagmamanman ang kanyang mga tauhan ay namataan ang suspek na naglalakad sa kahabaan ng naturang lugar at ng sitahin ay dito na nakarekober ang isang super .38 kalibre ng baril,mga bala, 2 pakete ng shabu at mga drug paraphernalias.
Nabatid din na ang suspek ang responsable sa paglikida sa biktimang si Genesis Dela Cruz, 22, residente din ng naturang lugar at isa sa confidential agent ng naturang unit ng pulisya. Kasalukuyan namang pinaghahanap ang kasabwat nitong si Zaldy Barabas na kilalang drug pusher at gun for hire sa kanilang lugar.
Sa rekord ng pulisya binaril at napatay ng dalawang suspek ang biktima noong gabi ng Disyembre 30, 2014.