MANILA, Philippines - Upang mas maging malusog ang mga estudyante sa bansa at makaiwas sa iba’t ibang uri ng sakit kabilang na ang cancer, pinaglalaan ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang gobyerno ng P5 milyon sa ilalim ng Department of Agriculture upang ipambili ng prutas at gulay ng mga mapipiling eskuwelahan sa ilalim ng isang pilot project na pinasisimulan sa DA.
Sa Senate Bill 2941 na inihain ni Santiago na tatawaging “Local School Foods Act” nais ni Santiago na mahikayat ang mas maraming estudyante na tangkilin ang mga lokal na prutas at gulay na mabibili sa bansa kaysa sa kumain ng junk foods.
Ayon kay Santiago na nakakaranas ngayon ng sakit na kanser, maraming sakit ang nakukuha sa “poor diet” katulad ng cardiovascular diseases (CVDs), cancer, obesity, at type 2 diabetes mellitus.
Katungkulan aniya ng gobyerno na protektahan at isulong ang karapatan ng mga mamamayan na magkaroon ng malusog na pangangatawan.
Sinabi ni Santiago sa kanyang panukala na mahalaga ang pagkain ng prutas at gulay at kung kakainin araw-araw ay maiiwasan ang mga major diseases katulad ng CVDs at ilang uri ng cancer.
“Fruit and vegetables are an important component of a healthy diet and, if consumed daily in sufficient amounts, could help prevent major diseases such as CVDs and certain cancers,” ani Santiago.
Kaya mahalaga aniya na magkaroon ng legislative policies para isulong at suportahan ang pagkain ng prutas at gulay.
“Thus, there is a need for legislative policies to promote and support fruit and vegetable consumption. This bill seeks to conduct a pilot program in support of efforts to increase the amount of purchases of local fresh fruits and vegetables for schools and service institutions by giving certain administrative regions the option of receiving a grant from the Secretary of Agriculture,” ani Santiago sa kanyang panukala.
Kapag naging ganap na batas ang ilang mapipiling eskuwelahan ay papayagang bumili ng mga local food sa mga local farmers mula sa pondong ibibigay sa kanila ng gobyerno. Ang kalihim ng DA ang papayagang mamili ng mga rehiyon na isasali sa pagsisimula ng proyekto. (Malou Escudero)