MANILA, Philippines - Upang mabigyan ng proteksiyon ang mga tinatawag na “dependent adult” nais ni Senator Miriam Defensor-Santiago na patawan ng parusa ang mga indibiduwal na hindi magre-report ng pananakit at pang-aabuso sa mga matatanda na nasa pangangalaga ng isang institusyon o kamag-anak.
Sa Senate Bill 2507 na inihain ni Santiago na tatawaging Dependent Adult Abuse Prevention Act nais nitong patawan ng parusang pagkabilanggo ng hindi lalampas sa isang taon at multang P20,000 ang sinumang hindi magre-report ng ginagawang pang-aabuso sa mga matatanda.
Mas mataas na multa naman na P50,000 ang ipapataw sa employer ng isang institusyon na magsususpendi o magtatanggal sa trabaho sa taong magre-report ng pang-aabuso sa mga awtoridad. Papatawan din ito ng pagkabilanggong hindi lalampas sa isang taon.
“It shall be unlawful for any person or employer to discharge, suspend, or otherwise discipline a person required to report or voluntarily reporting an instance of suspected dependent adult abuse, “ ani Santiago.
Ayon kay Santiago, bagaman at obligasyon ng pamilya na alagaan ang mga matatandang miyembro ng pamilya maaari rin itong gawin ng gobyerno sa pamamagitan ng mga programang titiyak sa kanilang kaligtasan at seguridad.
“Older persons should benefit from family and community care and protection in accordance with each society’s system of cultural values,” ani Santiago sa kanyang panukala. (Malou Escudero)