MANILA, Philippines - Nagbukas ng 38-bagong opisina ang Social Security System (SSS) ngayong taon at pinagsisilbihan na ng mga ito ngayon ang mga miyembro at pensyonado sa bansa.
“Isa sa mga pangunahing prayoridad namin ang ilapit ang SSS sa 31-milyong miyembro nito kaya inilalapit namin sa kanila ang aming serbisyo sa pamamagitan ng pagtatayo ng mas maraming opisina na tutugon sa kanilang mga pangangailangan,” pahayag ni President and Chief Executive Officer Emilio De Quiros Jr.
“Umaasa din kami sa pagdami ng aming mga opisina ay mas maraming kababayan natin ang mahihikayat na maging miyembro ng SSS,” dagdag pa ng pangulo
Sa 38-bagong opisina ng SSS sa iba’t ibang bahagi ng bansa, 25 ay full-service branches habang 13 naman ang service offices na karaniwang matatagpuan sa mga shopping mall.
Sa mga bagong opisina ng SSS, aabot sa 14 ang bagong sangay at tatlong service office ang nasa National Capital Region habang sa Luzon ay may bagong anim na sangay at apat na service offices; sa Visayas ay may tatlong bagong sangay at tatlong service offices, at sa Mindanao naman ay may dalawang bagong sangay at tatlong service offices.
“Itutuloy namin sa susunod na taon ang pag-aaral kung saan pa dapat magtayo ng mga karagdagang branch at service offices para masigurong ang bawa’t miyembro ng SSS ay madali at may direktang access sa amin,” paliwanag ni De Quiros.
Sa pagtatapos ng 2014 ay aabot sa 264 opisina ang SSS sa bansa na matatagpuan sa NCR (61); Luzon (119); Visayas (41), at Mindanao (43).
Maliban sa mas maraming opisina, bukas din ang ilang sangay ng SSS tuwing Sabado para pagsilbihan ang mga miyembrong hindi makapunta dito mula Lunes hanggang Biyernes.
Ang mga bukas na opisina ng SSS tuwing Sabado ay ang nasa Diliman, Makati-Ayala, at Makati-Gil Puyat sa NCR; Cebu, Lapu-lapu, Bacolod City at Iloilo sa Visayas; at Cagayan de Oro, Davao at Zamboanga sa Mindanao.