MANILA, Philippines - Isang 40- anyos na lalaki ang sugatan makaraang barilin ng kanyang kalugar na napikon sa biro ng una na sangkot ito sa iligal na droga sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Si Benie Calabron, ng Waterhole A, Unit 1, Doña Carmen, Brgy. Commonwealth ay nakaratay ngayon sa ospital dahil sa tama ng bala ng sumpak sa kanyang kanang tuhod, ayon kay PO3 Benjie Butac.
Ang itinuturong suspect na kapitbahay ng biktima na nakilalang si Taweng Labayuga, ay pinaghahanap na ng pulisya.
Nangyari ang insidente sa mismong bahay ng biktima, ganap na alas-5:30 ng hapon.
Bago ito, binibiro umano ng biktima ang suspect hinggil sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga sa kanilang lugar.
Dahil dito, nagtanim ng galit ang suspect hanggang sa makita nito ang biktima ay binaril ito gamit ang sumpak.
Hindi pa umano nakuntento ang suspect, nang bumuwal ang biktima ay pinalo pa ito ng baril sa ulo, saka mabilis na tumakas. Agad namang itinakbo ang sugatang biktima sa East Avenue Medical Center kung saan siya ay agad na nilapatan ng lunas.