MANILA, Philippines - May panukalang ipinasa sa Kongreso na inaalis sa saklaw ng pagbabayad ng buwis ang mga marginal income earners tulad ng mga sari-sari store owners, drayber ng traysikel, at mga magsasaka.
Sinabi ni Las Piñas Congressman Mark A. Villar na hindi dapat pinagbabayad ng buwis ang mga taong ang kinikita ay hindi tumataas sa Php140,000.00.
Ipinapanukala ng House Bill No. 5213 ang mga pagbabago sa tax code upang alisin ang marginal income earners sa saklaw ng mga indibidwal na kailangang magbayad ng income tax, value-added tax (VAT) at ng annual registration fee.
“Ayon sa ating batas, ang mga empleyadong kumikita ng minimum wage ay hindi kailangang magbayad ng income tax, samantalang ang mga taong hindi empleyado at kumikita ng hindi man lamang umaabot sa minimum wage ay kailangang magbayad ng income tax. Malinaw na ito ay hindi sang-ayon sa Constitution dahil ang bawat Pilipino ay may karapatan sa equal protection ng batas,” paliwanag ni Villar.
Ang depinisyon ng marginal income earners ayon sa panukala ay mga indibidwal na may sariling negosyo o sa sarili nagtatrabaho, at hindi lalagpas ng Php140,000.00 ang kinikita bawat taon. Ayon kay Villar, sa pamamagitan ng panukalang ito, magiging pantay ang trato ng batas sa minimum wage earners at marginal income earners.
Sinabi rin ng Congressman ng Las Piñas na ang mga marginal income earners ay hindi dapat lagyan ng imposisyon dahil kahit walang buwis na binabayaran, hindi na madali para sa kanila ang makahanap ng pagkakakitaan sa bawat araw.