PAGASA: LPA sa Mindanao posibleng maging bagyo

MANILA, Philippines – Bagama't nasa labas pa ng bansa, binabantayan pa rin ng state weather bureau ang low pressure area (LPA) sa silangan ng Mindanao na posibleng maging bagyo.

Sa ulat ng dzMM, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na muling namuo ang kaulapan ng LPA kaya naman lumaki ang tsansa nitong maging bagyo.

"Mga previous days po medyo nag-disorganize (ulap), parang sa tingin namin malulusaw na pero bigla uli nag-regain kaya yung possibility na mag-intensify ito na maging isang bagyo, hindi po natin tinatanggal," paliwanag ni PAGASA weather forecaster Jun Galang sa kanyang panayam sa radyo.

Huling namataan ng PAGASA ang LPA sa 1,230 kilometro silangan ng Mindanao ngayong Biyernes.

Dagdag nila na maaaring pumasok sa bansa ang LPA ngayon o bukas.

 

Show comments