MANILA, Philippines - Pinagtibay ng mataas na korte sa Dubai ang hatol na pagkakakulong laban sa isang 27-anyos na Pinay dahil sa pagdadala, pagpupuslit at paggamit ng illegal na droga sa United Arab Emirates.
Sa report ng Khaleej Times, napatunayan ng Dubai Court of Appeal sa ipinalabas na desisyon noong Miyerkules na guilty ang Pinay na ‘di pinangalanan sa kasong drug possession at smuggling, at paggamit pa ng nasabing droga.
Bukod sa pagkakakulong, pinagbabayad ng korte ang nasabing Pinay ng danyos na Dh50,000 dahil sa pagdadala at pagpupuslit ng 95 gramo ng narcotic amphetamine noong Mayo. Iniutos din ng korte na ipa-deport pabalik sa Pilipinas ang Pinay kapag natapos na niyang isilbi ang sentensya.
Base sa rekord, naghinala ang mga Dubai airport at customs authorities sa mga ikinikilos ng Pinay nang dumating sa Dubai International Airport Terminal 2 mula Kish, Iran. Nang dumaan sa inisyal na scanning ang Pinay ay naging kaduda-duda ang ikinilos at nang siya ay kapkapan ng lady police inspector ay nakita na nakaipit sa kanyang kili-kili ang nasabing ilegal na droga.
Sa interogasyon, sinabi umano ng Pinay na may isang tao na nagbigay sa kanya ng droga habang nasa Kish at sinabi na ibigay sa isang tao sa Dubai kapalit ng Dh50,000.
Lumalabas din umano sa ginawang urine test sa Pinay na positibo siya sa nasabing paggamit ng naturang droga.