MANILA, Philippines - Dismayado ang kampo ng pinaslang na si Pinoy transgender Jeffrey “Jennifer” Laude matapos pagayan ng korte ang mosyon ng akusadong si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na suspendihin ang pagdinig sa kaso sa loob ng 60 araw o dalawang buwan.
Kamakalawa ng gabi ay pinayagan ni Olongapo City Regional Trial Court (RTC) Branch 74 Judge Roline Ginez-Jabalde ang mosyon ng kampo ni Pemberton habang ibinasura naman nito ang mosyon ng kampo ni Laude para sa live media coverage sa kaso gayundin ang hiling na mailipat sa regular na kulungan sa Olongapo City si Pemberton.
Si Pemberton ay nakapiit sa JUSMAG (Joint United States Military Assistance Group), ang US facility sa loob ng Camp Aguinaldo.
Ayon kay Atty. Harry Roque, hindi nila inaasahan na mababasura ang kanilang inihaing petisyon habang ang kampo ni Pemberton ay pinahintulutan pa ng korte na masuspinde ang paglilitis sa kaso ng 60 araw.
Sa ilalim ng Visiting Forces of Agreement (VFA), ang paglilitis sa sinumang US servicemen na nakagawa o nasangkot sa krimen sa Pilipinas ay maaring litisin sa loob lamang ng isang taon.
Una nang hiniling ni Pemberton sa pamamagitan ng kaniyang legal counsels kay Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima na ipatigil ang paglilitis at pababain ang kasong murder laban sa kaniya na iginiit ng Olongapo City Prosecutor na mayroong ‘probable cause’.
Sa ilalim ng Rule 116 ng Rules of Court, ang pagbasa ng sakdal sa isang akusado ay maaring suspindihin ayon sa mga sumusunod: kondisyon ng pag-iisip ng akusado, kung mayroon kuwestiyon sa prejudicial process, petisyon para sa pagrebisa ng resolusyon ng prosecutor na nakabimbin sa DOJ o maging sa tanggapan ng Pangulo ng bansa.
Sa kabila ng pagkakasuspinde ng 60 araw sa paglilitis sa akusado, sa oras na maisumite na sa kanila ng DOJ ang kopya ng ruling sa apela ng US Marine serviceman ay maari ng simulan ang paglilitis.
Pinag-iinhibit naman ng kampo ni Laude si Jabalde sa kaso dahil kaklase umano ito ng abogado ni Pemberton pero sinabi ni de los Santos na nasa RTC Judge na ang desisyon ukol dito.