MANILA, Philippines - Natapos na ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang pagpapagawa ng “extension office” nito sa SM Aura Tower, na nasa Bonfacio Global City (BGC).
Ayon kay Mayor Lani Cayetano, ang opisinang ito, na ngayon ay bukas na mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, ay magbibigay-daan sa mas malapit at komportableng pakikipagtransaksyon sa city government ng mga korporasyon o kumpanyang nasa BGC.
Ginawa ni Mayor Lani ang pahayag kasunod na rin nang pagtanggap ng lungsod mula sa Office of the Ombudsman ng ‘Blue Certification Award,’ na nagsasabing pasado sa ‘anti-red tape standards’ ng naturang ahensya ang Taguig.
Sa naturang parangal ay kinilala rin ang sistemang ipinatutupad ng Taguig City, base sa panuntunan ng Ombudsman hinggil sa mas madaling proseso ng pagbubukas ng negosyo.
“Labis po naming ikinagagalak na binigyan kami nitong ‘seal of approval’ ng Ombudsman sa kabila na may tatlo at kalahating taon pa lamang po tayo na nanunungkulan nang isagawa ang pag-audit sa Taguig,” ani Mayor Lani.“Sa panibagong tagumpay na ito, buong kasiyahan din po naming ipinababatid na ang ‘extension office’ sa BGC ay maaari na ngayong paglikuran ang mga negosyong nasa aming lungsod, lalo na po ang mga nasa nasabing lugar,” dagdag ni Mayor Lani.
Sinabi ni Mayor Lani na ang BGC office na ito ng city government ay may sapat na parking space para sa kanilang customer at mayroong ‘state-of-the-art facilities’ na ‘fully air-conditioned.’Taglay din nito ang ‘modern queuing and paging system’ para sa customers. May nakatalagang ‘help desk and pantry area’ para naman sa mga nais mag-kape o uminom ng tubig. Ang mga kumpanya na nasa labas ng BGC, ayon naman sa punong lungsod ay maaari pa ring isagawa ang kanilang transaksyon sa city hall.“Business-as-usual pa rin po tayo sa city hall. Nais lamang nating bigyan ng pagpipilian ang ating mga nasasakupan at investors kung saan sila maaaring magparehistro, mag-renew o magbayad ng kanilang obligasyon sa lungsod,” giit ni Mayor Lani.