MANILA, Philippines - Inalerto na ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) simula kahapon ang kanilang pwersa para ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon.
Nabatid na inilagay na sa full alert status ang buong Kalakhang Maynila at ayon kay NCRPO Director Carmelo Valmoria, itinalaga ang ilang kapulisan sa mga terminal ng bus, pantalan at paliparan.
Dahil na rin ito sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero na magtutungo sa kanilang mga lalawigan para doon ipagdiwang ang araw ng Pasko at Bagong Taon.
Nakaalerto rin ang PNP para sa mahigpit na kampanya laban sa mga indiscriminate firing na kadalasang nagaganap sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Sinabi pa ni Valmoria, kapag aniya may mga insidente nang nagpapaputok ay huwag kaagad magkonklusiyon ang publiko na pulis at military ang sangkot dito.
Dahil may ilang sibilyan din ang nagpapaputok ng baril, na kaagad aniyang ipagbigay alam sa mga tanggapan ng pulisya upang kaagad itong maaksiyunan.