MANILA, Philippines – Hinatulan ng Sandiganbayan na makulong ng mula 10 hanggang 18 taong pagkabilanggo ang dating governor ng Misamis Oriental dahil sa kasong malversation na may kinalaman sa nawawalang spare parts at accessories ng dalawang sasakyan ng gobyerno na naka-assign sa tanggapan ng Provincial Governor.
Bukod sa kulong, inutos din ng graft court si ex-Misamis Oriental Gov. Antonio Calingin na magbayad ito ng multang P2,082,385.00 dahil sa naturang kaso at pinagbabawal na itong magtrabaho sa alinmang posisyon sa gobyerno.
Pinababalik din dito ng Sandiganbayan sa lalawigan ng Misamis Oriental ang katulad na halaga na P2,082,385 na nawala sa kaban ng naturang probinsiya.
Sa record ng graft court, napatunayan na noong nakaposisyon bilang gobernador si Calingin mula July 1998 hanggang July 2004, dalawang Toyota 4x4 Hi-Lux na sasakyan na may halagang P2,082,385.00 ang naka-assign dito bilang service vehicles.
Noong 2003, napatunayan na si Calingin ay guilty sa kasong Dishonesty, Gross Negligence at Grave Misconduct dahil sa nawawala ang naturang mga sasakyan kayat nasuspinde ito sa posisyon ng anim na buwan ng walang sahod.
Para maibalik ni Calingin ang naturang mga sasakyan, dalawang sulat ang naipadala dito noong 2004 na nag-uutos dito na ibalik ang mga sasakyan.
Nalaman din ng Provincial Retrieval Team na inorganisa ng noo’y Governor Oscar Moreno na ang naturang mga sasakyan ay nasa isang warehouse sa Claveria, Misamis Oriental at na-cannibalize na kayat di magamit pang service.