MANILA, Philippines - Inisnab ng Sandiganbayan ang request ni suspended Sen. Jinggoy Estrada na makalabas ng kulungan para makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay sa Pasko, Dec. 25, 2014 at Dec. 31 hanggang January 1, 2015.
Binigyang diin ng Sandiganbayan 5th division na hindi maaring pagbigyan ang kahilingan ni Estrada na makalabas ito ng kulungan sa PNP Custodial Center sa Kampo Krame dahil ipinagbabawal sa isang akusado ang makalabas ng holiday season.
Ayon sa graft court, tulad ng ibang bilanggo, hindi sila pinapayagan na makapag-enjoy sa labas laluna tuwing pasko at bagong taon.
Sinang-ayunan din ng korte ang posisyon ng prosecution na magbibigay lamang ng masamang senyales kung pagbibigyan nila ang hiling na furlough ng naturang mambabatas dahil sa hindi lamang ito magbibigay ng magandang halimbawa at magiging katawa-tawa ang sistema ng hustisya sa bansa.
Magdudulot din umano ito ng dagdag gastos sa gobyerno kapag pinalabas ng kulungan si Estrada para mag-pasko at mag-bagong taon kasama ang kanyang pamilya dahil kailangan itong bantayan para na rin sa kanyang seguridad.