MANILA, Philippines - May plano umano ang mga kalaban sa pulitika ni Vice President Jejomar Binay na pahiyain ito sa nakatakdang pagbisita ng Santo Papa sa bansa sa Enero.
Ayon kay United Nationalist Alliance (UNA) interim president, Rep.Toby Tiangco, may nakalap silang impormasyon na may plano na i-exploit ang panahon ng preparasyon ng Pope Francis’ visit sa Manila sa susunod na buwan sa pamamagitan ng pamumulitika upang tuluyang sirain ang pagkatao ng Bise Presidente at lalong ipahiya pati kanyang pamilya.
“Ganyan kadesperado ang kaaway ni VP. Itutuloy nila ang pagsisinungaling at panloloko sa panahong dapat suriin at balikan ang pagiging Kristyano,” ani Tiangco.
Sinabi ni Tiangco na ang pagsasasampa ng kasong plunder ni Atty. Renato Bondal laban kay Binay sa Office of the Ombudsman sa kasagsagan ng panahon ng Simbang Gabi ay nagpapakita ng kawalan ng respeto ng kalaban sa pulitika ng Bise Presidente.
Pinaalalahan ni Tiangco ang mamamayan na maging maingat sa mga pahayag na puro kasinungalinan at gimik na bahagi ng pangunahing plano upang wasakin si Binay.
“Ang nakakalungkot ay hindi na inirespeto ang diwa ng Kapaskuhan—paninindigan pa rin nila ang kanilang kasinungalingan at pati Simbang Gabi ginagamit nila sa politika,” ani Tiangco.
Sinabi pa, ang huling inihaing kaso ni Bondal laban kay Binay ay mula sa pinagsama-sama umanong kasinungalingan na ang layunin ay gibain ang Bise Presidente at kanyang pamilya.
Handa aniya ang Bise na sagutin ang lahat ng mga ibinabatong akusasyon sa kanya sa Ombudsman ng mga desperadong kalaban nito.
“Sa simula’t simula at sa pagkadami-dami ng mga hearing sa Senado, walang matibay na ebidensyang pinanghahawakan ang mga nag-aakusa sa Bise Presidente,” dagdag pa ni Tiangco.
Sa kabila ng mga pag-atake kay Binay at pamilya nito, nakatuon pa rin ang Bise Presidente sa kanyang trabaho sa pagtulong sa mga overseas Filipino workers, pagbibigay ng pabahay sa mga mahihirap at pagtulong sa mga pangangailangan ng mga senior citizens.