MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Department of Agrarian Reform (DAR) na hindi pag-aari ni Vice President Jejomar Binay ang kontrobersyal na 350 hektaryang lupain na tinawag na “Hacienda Binay” sa Rosario, Batangas.
Sa isang panayam ng ABS-CBN kay DAR Secretary Virgilio delos Reyes, sinabi niya na wala silang hawak na anumang ebidensya na magpapatunay na pag-aari ni Binay ang kontrobersyal na property sa Batangas.
Sinabi ni Reyes na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na pag-aari ito ng Sunchamp.
Una nang sinabi ng negosyanteng si Antonio Tiu kung saan nagpakita pa ng mga dokumento sa Senate Blue Ribbon sub-committee noong Oktubre 30 na pag-aari ng Sunchamp ang nasabing “hacienda” na iniuugnay kay Binay.
Ayon kay delos Reyes, hindi rin dapat na ipatawag at maimbestigahan ng DAR si Binay dahil lumalabas sa mga dokumento na kanilang hawak na wala siyang pag-aari sa nasabing hacienda.
Aniya hindi siya naniniwalang si Binay ang nagmamay-ari ng sinasabing “Hacienda Binay” sa Rosario, Batangas.
Ayon kay delos Reyes, lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na ang Sunchamp ay mayroon lamang clearance para bumili ng dalawang parcel ng lupa na may lawak na 4.8 hektarya at ang ibang lupain na sinasabi na ang Sunchamp din ang bumili ay walang clearance mula sa DAR at ang iba umano nito ay certificate of land transfer award o CLOA (certificate of land ownership award).
Sinabi ni delos Reyes na nagsimula na sila sa ocular investigation sa Sunchamp properties kung saan ilan sa mga property ay sinasabing nabili o nailipat sa ibang kumpanya na Agri Fortuna na sinasabing incorporator si Binay.
Sa kabila nito, iginiit ng DAR chief na walang papeles na nagsasabi na pag-aari ni Binay ang naturang property dahil ang may posesyon ng lupa ay ang Sunchamp.
Kapag napatunayan umano na hindi property ng Sunchamp ang ibang lupain nito na na-convert na walang permiso mula sa DAR ay maaaring bawiin ng gobyerno ang naturang property.