MANILA, Philippines - Inaprubahan na ng Kamara ang House Joint Resolution 21 na nagbibigay ng 5 buwang emergency power kay Pangulong Aquino para resolbahin ang pinangangambahang power shortage sa summer ng 2015.
Ito ay sa kabila ng pagtutol ng mga nasa oposisyon dahil iginigiit nilang hindi na raw kailangan ng emergency power ni PNoy.
Kahit nagsasalita at pilit pinipigilan nina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at Buhay Rep. Lito Atienza ang botohan ay hindi ito pinansin ng tumatayong presiding speaker na si Deputy Speaker Carlos Padilla at itinuloy ang botohan sa second reading.
Pagkatapos, agad itong isinalang sa third and final reading sa Kamara.
Sa botong 149 pabor at 18 hindi ay inaprubahan ang House joint resolution 21.
Nakatutok sa interruptible load program ang solusyong gagamitin ng gobyerno sa pagtugon sa kakulangan sa suplay ng kuryente.
Una ng sinabi ng DOE na 1,004 megawatts ang kakulangan na kailangang punuan.