MANILA, Philippines – Idineklara ang Vigan, Ilocos Sur na isa sa mga pitong siyudad sa buong mundo na kinikilalang “world’s new wonders”.
Base sa report, napasama ang 16th century city ng Vigan sa listahan ng New 7Wonders Cities kasama ang mga siyudad ng Beirut sa Lebanon, Doha sa Qatar, Durban sa South Africa, Habana sa Cuba, Kuala Lumpur sa Malaysia at La Paz sa Bolivia.
Ang anunsyo sa listahan ng mga napili at ibinotong mga siyudad ay isinagawa ni New 7Wonders Cities Founder at President Bernard Weber ng Dubai, United Arab Emirates kasunod ng votes campaign na nagtapos nitong Disyembre 7.
Ang Vigan kasama ang anim pang nabaggit na lungsod na pinal na nagwagi ay ibinoto sa final list matapos ang limang elimination process na nagsimula sa 1,200 entries mula sa 220 bansa sa buong mundo.
Ang Vigan ay dinadayo ng mga turista dahil sa kinikilala itong “world heritage site” na binanggit din sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO)-Heritage List of Sites and Monuments.