MANILA, Philippines – Hindi pa man tuluyang nakakaalis ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ruby ay isa na namang sama ng panahon ang namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon ng umaga.
Ayon kay Jori Lois, weather specialist ng PAGASA, ang naturang low pressure area (LPA) ay namataan nila sa layong 2,000 kilometers silangan ng Mindanao at inaasahang magiging bagyo oras na pumasok sa PAR sa mga susunod na araw. Malamang anyang ito na ang isa pang bagyo na inaasahang pumasok sa PAR ngayong buwan ng Disyembre.
Kahapon ng umaga, si Ruby ay naging isa na lamang tropical depression at namataang nasa layong 80 kilometro timog kanluran ng Ambulong, Tanauan City, Batangas. Ito ay kumikilos pakanluran sa bilis na 13 kilometro kada oras. Inaasahan ng PagAsa na lalabas ng PAR si Ruby ngayong gabi ng Miyerkules.