MANILA, Philippines - Kumpletong naitayo ng Banco de Oro kasama ang Beiersdorf Philippines Inc., (NIVEA) ang dalawang palapag na gusali ng Basey Main Health Center na unang sinira ng bagyong Yolanda noong 2013. Ang katatayong Health Center sa kabayanan ng Basey ay nabuksan para sa mga mamamayan ng Western Samar noong Nobyembre 18, 2014.
Kumpleto rin ang nasabing municipal health center dahil bukod sa mga inilaang lugar para sa mga bata at matatanda, mayroon itong sariling dental at laboratory rooms, treatment and consultation rooms. Maging sa mga buntis ay mayroon din inilaang lugar.
Mabebenepisyuhan nito ang 51 barangays na kinabibilangan ng 52,000 katao. Ngayon ay daan-daang pasyente na ang naseserbisyuhan ng health center araw-araw.
Ang Basey Main Health Center ay isa sa pitong mahihirap na lugar na inabot ng BDO Foundation at NIVEA. Kasama sa formal turnover ceremony ang nasabing health center ay mga opisyal ng Beiersdorf na pinangungunahan ng Country Manager nito na si Thomas Alexander Schwieger, BDO Foundation na pinamumunuan ni President Maureen C. Abelardo; representatives mula sa BDO Tacloban Branch Frank Garcia at local government officials na sina Municipal Mayor Hon. Igmedio “Junjie” Ponferada at iba pang opisyal ng health center.