Mga dapat gawin kapag may bagyo

MANILA, Philippines - Pinaalalahanan kahapon ni Senator Loren Legarda ang mga mamamayan kung ano ang mga dapat gawin ngayong parating ang malakas na bagyo sa bansa.

Ayon kay Legarda mahalagang paghandaan ang bagyo lalo na ang storm surge partikular sa mga maaapektuhang lugar.

Kabilang sa mga dapat gawin ng mga mamamayan base sa Disaster Preparedness and First Aid Handbook na ipinamahagi ng tanggapan ni Legarda ang mga sumusunod:

Dapat manatiling kalmado sa loob ng tahanan o gusali; magmonitor sa radyo at telebisyon; tanggalin ang mga maaring makasira sa tahanan katulad ng mga sanga ng punong-kahoy kung paparating pa lang ang bagyo; magtungo sa mga nakahandang evacuation centers kung binabaha ang lugar; palaging magdala ng flashlights at handy radio na may bagong baterya; mag-stock ng pagkain, malinis na inuming tubig, kerosene at mga first-aid supplies.

Kung magkakaroon ng baha mahalagang patayin o tanggalin ang main sources ng kuryente, gas at tubig sa loob ng bahay;  pagpatung-patungin ang mga kagamitan ng mas mataas sa inaasahang flood level; tiyaking hindi maaabot ng tubig ang mga appliances, mahahalagang gamit, chemicals, toxic substances at basura.

Iwasan ang mga mabababang lugar, ilog, creeks at coastal areas, slopes, bangin at foothills dahil sa posibleng magdulot ng landslides, rockslides at mudsliles ang malakas na buhos ng ulan.

Huwag tangkaing mag-operate ng mga de-kur­yenteng gamit kung may baha at huwag gumamit ng gas o electrical appliances na binaha.

Idinagdag ni Legarda na mahalagang i-monitor ng publiko ang mga warning signals, updates at mga advisories sa evacuation.

Kung inaasahan naman na magkakaroon ng storm surge sa isang lugar, mahalaga aniyang madala sa mas ligtas at mas mataas na lugar ang mga miyembro ng pamilya. (Malou Escudero)

Show comments