MANILA, Philippines – Iginiit kahapon ng prosekusyon sa Sandiganbayan na ilipat na sa regular na kulungan si Sen. Bong Revilla at dati nitong chief of staff Richard Cambe mula sa pagkakakulong sa PNP Custodial center sa Kampo Krame.
Ito ayon sa prosecution team na pinamumunuan ni Atty. Joefferson Toribio ay matapos ibasura ng Sandiganbayan First Division ang hiling na piyansa ng naturang mga akusado sa kasong plunder may kinalaman sa pork barrel scam.
Ayon kay Toribio, itutuloy nila ang kahilingang mailipat sa isang piitan na pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Revilla kasama si Cambe.
Nilinaw din nito na sisikapin ng prosekusyon na mapagbigyan sila ng graft court sa hirit na garnishment o pagsamsam sa mga ari-arian ni Revilla na sinasabing kickback o komisyon ng mambabatas mula sa pork barrel nito na nailagak sa pekeng NGO ng negosyanteng si Janet Napoles.
Si Revilla at Cambe ay nananatiling nakapiit sa PNP custocial center sa Kampo Krame dahil sa naturang kaso.