Senado may kinatatakutan sa Malampaya?

MANILA, Philippines – Meron bang kinatatakutan ang Senate Blue Ribbon Committee kaya hindi inimbitahan ang aku­sadong negosyanteng si Janet Lim-Napoles sa pagdinig sa imbestigasyon sa anomalya sa P900 mil­yong Malampaya fund?

Ito ang reaksyong ta­nong ni United Nationa­list Alliance (UNA) Interim President Toby Tiangco sa desisyon ng SBRC na alisin sa listahan ng resource person sa naturang pagdinig si Napoles na naunang nakasuhan kaugnay ng anomalya sa Priority Deve­lopment Assistance Fund.

Naunang tinukoy ni Napoles ang socialite na si Ruby Tuason bilang pa­ngunahing sangkot sa paggamit ng bilyung-pondong gas fund sa kampanya sa halalan noong 2010 at inamin niyang tumanggap siya ng kickback sa bawat transaksyon sa Malampaya Fund.

Sinabi ni Tiangco na hindi dapat magbulag-bulagan si Guingona sa sinumpaang salaysay ni Tuason na tumanggap ito ng 60% komisyon sa iligal na iskema na ang balanse ay pinaghati sa ibang mga partido kabilang ang 97 local executive na nakinabang sa operasyon.

Alang-alang sa transparency at pampublikong interes, hinihimok ni Tiangco si Justice Sec. Leila de Lima na ipakita sa mamamayan ang lima at kalahating oras na video na nagpapakita kung paano idinetalye ni Napoles ang mga sirkumstansya sa mga nangyari sa PDAF at Malampaya fund scam.

Sinabi pa ni Tiangco na, dapat ding ipatawag ng SBRC si de Lima para ipakita ang nairekord na video ng testimonya ni Napoles na isinagawa sa Ospital ng Makati noong Abril.

Show comments