MANILA, Philippines – Ibinasura ng Sandiganbayan ang petisyon nina Sen. Bong Revilla, Janet Napoles at Richard Cambe na makapagpiyansa upang pansamantalang makalaya para sa kasong plunder na may kaugnayan sa pork barrel scam.
Sa 71-pahinang desisyon na pirmado ni Sandiganbayan First Division Associate Justice Efren dela Cruz, mayroon anyang malakas na ebidensya ang prosekusyon laban sa tatlo kung saan sila umano ay nagsabwatan para maganap ang plunder na nasa ilalim ng Republic Act 8090.
Gayunman, nilinaw ng 1st Division na ang naturang desisyon kaugnay sa bail hearing ng mga akusado ay hindi nangangahulugan ng pre-judgement sa merito ng kaso laban sa tatlo na madedetermina lamang matapos ang full blown trial.
Sina Revilla at Cambe ay pawang nakadetine sa PNP Custodial Center sa Camp Crame habang si Napoles, ang umano’y utak ng pork barrel scam, ay nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Kasama rin sa humirit na makapagpiyansa sina John Raymund de Asis at Ronald John Lim, kapatid ni Napoles.
Samantala, dismayado naman si Revilla sa pagbasura sa kanyang bail petition. Hindi anya ito ang kanilang inaasahang ibababa ng anti-graft court lalo na anya kung ikokonsidera ang katotohanan at ebidensiya.
Sa kabila nito, sinabi ni Revilla na hindi pa tapos ang laban.