MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Sen. Cynthia Villar na dapat ipatigil ang pagbebenta ng mga imported na frozen meat sa mga pamilihan dahil delikado ito sa kalusugan ng mga mamamayan.
Ayon kay Villar bukod sa naloloko ang publiko dahil pinalalabas ng ilang negosyante na fresh ang mga imported na karne hindi rin nakatitiyak na ligtas pang kainin ang mga ito. Ipinunto rin ni Villar ang pahayag ni Dr. Minda Manantan, executive director ng National Meat Inspection Service, na ang mga imported frozen meat ay dinadala lamang sa mga processors at hindi sa mga retailers upang matiyak na hindi ang mga ito mapupunta sa mga palengke at supermarkets.
Sinabi ni Villar na posibleng matagal ng frozen ang mga nasabing karne sa ibang bansa at habang ibinibiyahe ay natutunaw ang yelo nito kaya hindi na ligtas para kainin.