Sobra-sobra, walang dokumento Taguig sinita ng COA sa cash advance

MANILA, Philippines – Nagkaroon umano ng iregularidad sa sobrang mga cash advances ng pamahalaang lunsod ng Taguig na ipinalabas nito para sa mga scholarship program at birthday at cash gift para sa mga senior citizen.

Ito ang lumalabas sa taunang audit report ng Commission on Audit sa Taguig para sa calendar year na 2013. Nakasaad sa report na ito ang kawalan ng mga tama at balidong dokumento tulad ng wastong receipted payroll na dapat sanang nakakabit sa disbursement voucher.

Sa halip, ayon sa COA, isinumite lang ng pamahalaan ng Taguig ang listahan ng mga scholar sa ilalim ng Lifeline Assistance for Neighbors In-Need (LANI) Scholarship Program na nagpapakita sa kanilang district, school at corresponding amount na sinasabing natanggap mula sa pamahalaang-lunsod.

Sinasabi ng COA na, sa ilalim ng State Audit Code of the Philippines, ang kumpletong dokumentong suporta sa mga hinihinging pondo ng pamahalaan ay pundamental na prinsipyo sa lahat ng transaksyon sa pera at operasyon ng anumang ahensiya ng pamahalaan.

Pinuna ng COA ang sobrang P6.33 milyon mula sa P22.33 milyong total cash advance para sa cash gift ng mga senior citizen batay sa naka-file na  cash advance disbursement vouchers on file. Lumabag anila ito sa Section 4.2.1 ng COA Circular No. 97-002 na may petsang February 10, 1997 na nagsasaad na ang cash advance ay dapat katumbas ng net amount ng payroll para sa isang pay period at sa halip na wastong receipted payroll, ang listahan lang ng 28 barangay at Obligation Request ang kasama sa mga disbursement voucher para sa birthday at cash gifts sa mga senior citizens.

Natuklasan din ng audit team na ang mga LANI scholar na nabiya­yaan ng P20,000 hanggang P40,000 financial assistance bawat isa ay binigyan ng cash sa halip na tseke para sa bawat intended payee. Taliwas umano ito sa naturang COA circular na nililimita­han lang sa P15,000 ang pinahihintulutang bayarin mula sa cash advance.

Lumilitaw din sa pag­repaso sa liquidation pay­rolls para sa cash advance para sa mga senior citizen na 28.4 porsiyento ng mga payee ay hindi naman kinuha ang kanilang pera sa kabila ng mahabang panahong inilaan para sa distribusyon.

Show comments