19 naisalba ng NBI sa kayod-kalabaw na trabaho
MANILA, Philippines - Nasagip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Anti Human Trafficking Division (AHTRAD) sa isang garment factory ang 19 na laborer na 12-oras na pinagtatrabaho ng walang pahinga, maliit na sweldo at lantad sa panganib ang kalusugan dahil sa amoy ng kemikal sa Potrero, Malabon, kahapon ng hapon.
Sinabi ni AHTRAD Head Eric Nuguid, nasa 3 menor de edad ang kabilang sa 19 ang inaabuso sa mahabang oras ng trabaho na hindi man lamang umano nakakaupo sa loob ng 12 oras, sa kabila ng wala pa sa minimum wage ang natatanggap na sahod, sa halip na bigyan ng iba pang benepisyo tulad ng overtime.
Inaalam pa ang pangalan ng kumpanya at kung sino ang employer o may-ari ng sinalakay na factory dahil wala umanong ‘registered name’ ang tatlong palapag na lumang gusali.
Inaresto ang tatlo na tumatayong supervisors ng mga manggagawa at kasalukuyang nakapiit sa NBI detention facility habang inihahanda ang ihahaing kaso.
Amoy solvent umano ang loob ng factory na masama sa kalusugan at nakatayo lamang umano sa loob ng 12 oras ang mga worker.
- Latest