MANILA, Philippines – Posibleng maharang pa sa Korte Suprema ang emergency power ni Pangulong Aquino sa sandaling tuluyang mapagtibay ng dalawang kapulungan ang joint resolution para rito.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, malinaw na itinatakda ng Epira Law na maaari lamang bigyan ng additional authority ang pangulo ng bansa kung mayroon nang imminent o nakaambang kakulangan o krisis sa supply ng kuryente.
Subalit sa kasalukuyang sitwasyon, lumalabas umano sa datos ng Department of Energy (DOE) na walang imminent shortage ng kuryente taliwas sa itinatakda ng batas. Sa katunayan, hanggang ngayon ay hindi pa rin umano makapagbigay ang DOE ng eksaktong figure ng sinasabi nitong magiging kakulangan sa power supply.
Paliwanag pa ni Colmenares, sa isyung ito pa lamang ay hindi na malayong may magpetisyon sa Korte Suprema para kwestyunin ang emergency powers ng pangulo sakaling tuluyan itong pagtibayin ng mga mambabatas.
Maging ang kaalyado ng pangulo na si Akbayan Rep. Walden Bello ay hindi pa rin kumbinsido na kailangan ni PNoy ang emergency power.
Naniniwala rin si Bello na ang pinangangambahang kakulangan sa kuryente ay ibubunga ng nakatakdang shutdown ng Malampaya Natural gas reserve na nagtutustos ng enerhiya sa tatlong planta ng kuryente, ito ay ang Sta. Rita, San Lorenzo ay Ilijan power plants.
Giit pa ni Bello na kung hindi muna gagawin ang maintenance shutdown ng Malampaya ay walang magiging problema sa suplay ng kuryente at kaya naman itong gawin sa 2015 dahil dati na itong naisakatuparan noong 2013.