MANILA, Philippines – Kinondena ni Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) President at Manila Vice Mayor Isko Moreno ang brutal na pamamaslang kay Villaba, Leyte Vice Mayor Claudio Martin Larrazabal.
Ayon kay Moreno, hinihingi nila ang tulong ng Philippine National Police (PNP) upang matukoy at mapapanagot ang responsable sa pagpatay kay Larrazabal. Umaasa siya na hindi ito bahagi ng 2016 elections.
Batay sa record, umaabot sa 19 bise alkalde ang election related violence noong May 2013 elections.
Nakikipag-ugnayan na rin si Moreno kay Region 8 VMLP Chairman, Michael Cari gayundin sa VMLP Leyte Chapter President.
Sinabi pa ni Moreno, na kauna-unahang Vice President of the Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na nagsasagawa na rin sila ng dayalogo sa pagitan ng LGU’s at PNP upang masolusyunan ang mga “election related violence” na nagiging bahagi na ng halalan sa bansa.
Si Larrazabal ay binaril at napatay kamakalawa ng umaga sa labas ng isang restaurant ng riding-in-tandem.