Hiling ng pamilya Laude vs EDCA, ibinasura ng SC
MANILA, Philippines – Ibinasura ng Korte Suprema ang hirit ng pamilya ng pinaslang na transgender sa Olongapo para payagan silang makiisa sa pagkwestyon sa legalidad ng Enhaced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Sa inilabas na pahayag ng Public Information Office ng Supreme Court (SC), sinabi ng en banc na nakabinbin na sa Office of the City Prosecutor ang nilalaman ng inihaing petition nina Julita, Marilou at Michelle Laude.
Giit ng SC, walang merito ang hiling ng pamilya lalo’t criminal proceedings ang Laude case at wala itong kinalaman sa constitutionality ng EDCA.
Ito ay isang kasunduang pang-militar sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Nakapaloob sa desisyon ng en banc ang pagbura ng nasabing petisyon sa kanilang record.
Sa inihaing 10-pahinang petition-in-intervention nitong Lunes, iginiit ng ina ni Jeffrey Laude alyas Jennifer at mga kapatid nito na ang suspek sa pagkamatay ng kanilang kaanak na si US Marine PFC Joseph Scott Pemberton ay nasa ilalim pa rin ng kustodiya ng US kahit pa nasa Camp Aguinaldo na ito.
- Latest