MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng House Energy committee ang hinihinging emergency power ni Pangulong Noynoy Aquino para sa napipintong diumano’y kakapusan ng kuryente sa susunod na taon sa Luzon.
Sa botong 18 pabor, isa ang tutol at isa ang nag-abstain ay nakatakdang iakyat na ito sa plenaryo ng Kamara para pagtibayin.
Mariin namang tinutulan ito ni Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares sa pagsabing walang dahilan para bigyan ng emergency power si PNoy dahil hanggang ngayon ay wala pang nakakaalam kung ilan talaga ang kakulangan ng suplay ng kuryente sa darating na ‘summer’ sa susunod na taon.
Kaya hindi pa rin umano masasabing imminent o nakaamba ang krisis sa kuryente sa 2015.
Bukod dito malaking pabigat din umano ito sa publiko dahil sa dagdag singil na ipapasa sa power consumers.
Nakasaad sa ilalim ng joint resolution na nakasentro sa Interruptible Load Program (ILP) ang pagpuno sa additional capacity na kailangan sa summer at hindi na option ang pagrenta o pagbili ng Gensets.
Nilinaw naman ni Energy Committee Chairman Reynaldo Umali na kung hindi magamit ang ILP sa summer ay walang papasaning dagdag bayad ang publiko.