MANILA, Philippines – Dapat na magpa-quarantine na rin si acting Health Secretary Janet Garin at mga kasama nito na nagtungo sa Caballo island.
Ayon kay Buhay partylist Rep. Lito Atienza, parang hindi seryoso si Garin sa pagtrato nito sa sakit na ebola at parang naglalaro lamang.
Giit ni Atienza, bakit pa kumuha ng isla upang dito i quarantine para i-isolate ang mga peacekeepers at malayo sa kanilang pamilya kung pupuntahan rin naman ito mismo ng acting Health secretary, AFP chief of Staff Gregorio Catapang at mga media.
Hindi umano maintindihan ng kongresista kung anong gustong palabasin ni Garin ng magtungo ang grupo nito sa naturang isla na tila nagyayabang lang.
Paliwanag pa ni Atienza na kung seryoso talaga si Garin sa kanyang ginagawa ay dapat magpaiwan na ito at kanyang mga kasama sa isla para magpa-quarantine.
“She should practice what she preach, dapat magpaiwan na siya sa isla at magpa quarantine,” ayon pa kay Atienza.
Para naman kay Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, dapat na rin bantayan ni Garin at mga kasama nito sa Caballo island ang kanilang temperatura sa susunod na 21 araw. Ito ay dahil nagkaroon ng misjudgement at carelessness si Garin at Catapang dahil maling senyales ang ginawa nito sa publiko at sila mismong lumabag sa ipinatutupad na protocol.