MANILA, Philippines – Umapela si Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon sa mga pamilya ng mga umuwing peacekeepers na naka-quarantine na sumunod na lamang at huwag ng magreklamo sa protocol na ipinatutupad ng gobyerno.
Sinabi ni Biazon na dapat magpasailalim ang mga ito sa panuntunan dahil nakasalalay dito ang kalusugan ng publiko
Paliwanag pa ni Biazon na chairman ng House Defense Committe na sakali namang magka problema sa kalusugan ang mga naka-quarantine na peacekeepers ay unang maapektuhan ang kanilang mga pamilya at tinitirahang komunidad.
Bagamat nauunawaan umano ng kogresista ang sentimyento ng pamilya ng mga peacekeepers ay dapat pa rin masunod ang panuntunan ng gobyerno.
Matatandaan na isinailalim sa quarantine sa Caballo island ang mga Pinoy peacekeepers na nagmula sa Liberia at ang mga ito ay nakita lamang ng kanilang kaanak sa pamamagitan ng video na nakabalik na sa bansa subalit hindi nila nakausap o nahawakan lamang.
Samantala, magtutungo naman ngayon araw si Biazon sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM para alamin ang protocol nito sa pagtanggap ng mga pasyente na pinaghihinalaang may Ebola virus.