Top wanted ng Maynila timbog!

MANILA, Philippines - Arestado ang isang ‘alagad’ ng bigtime drug pusher na nakapiit sa New Bilibid Prison na sinasabing isa sa res­ponsable sa serye ng paghahagis ng granada sa istasyon ng pulisya, pagpatay sa isang pulis-Maynila, panlalason sa mga preso kung saan isa ang nasawi at itinuturo rin bilang ‘trigger happy’ ng Tondo at lider ng holdup gang sa isinagawang operasyon kahapon sa Tondo, Maynila.

Nasa 30 operatiba ang bumitbit sa suspek na kinilalang si Christopher “Toper” Bajar Y Lagoda, 32, ng Aroma Compound, Vitas, Tondo saka iprinisinta sa media ni Manila Mayor Joseph Estrada.

Nakuha sa kanya ang isang granada na narekober sa kaniyang ‘lungga’.

Bukod kay “Toper” ay may 5 pang suspek na bitbit din ang mga operatiba ng District Intelligence Division (DID) sa pangunguna ni Supt. Raymund Liguden at deputy nitong si C/Insp. Randy Maluyo. Kasama din sa operasyon ang Special Weapons and Tactics (SWAT) at Raxabago (station 1) Police Station.

Sinabi ni Liguden na pinatututukan sa kanila ni MPD District Director S/Supt. Rolando Nana ang pag-aresto sa lalong madaling panahon ng mga most wanted person.

Alas-3:00 ng hapon nang salakayin ng mga nag-aantabay na pulis ang safehouse ni Toper, sa Bldg. 32 Aroma Compound, Vitas.

Sa intelligence information, si Toper ay tauhan umano ng bigtime druglord na si alyas “Briggs” na nakakulong sa NBP dahil sa iligal na droga.

Namamayagpag uma­­no ang iligal na droga sa erya ng Tondo dahil na rin sa mga alagad  ni Briggs kabilang si Toper at maging sa operasyon nila laban sa mga ‘kalaban’ na pulis. Kabilang dito ang 3 beses na paghahagis ng granada sa MPD-station 1 kamakailan kasunod ng mga banta sa mga pulis doon na tigilan sila sa pambubulabog.

Sangkot din umano si Toper sa pagpatay ng isang pulis na nakatalaga sa Binondo (station 1).

May impormasyon din umano na si Toper ang mahilig mamaril ng walang dahilan o ‘trigger happy’ sa kanilang lugar.

Isinasangkot din si Toper sa mga holdapan sa Tondo. (Ludy Bermudo)

 

Show comments