MANILA, Philippines – Nagkaaberya na naman ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga matapos na may sumabit umanong basura sa kableng nagsusuplay ng kuryente sa mga bagon ng tren.
Dahil sa aberya, nalimitahan ang operasyon ng tren sa North Avenue, Quezon City hanggang Shaw Boulevard sa Mandaluyong City dakong alas-10:25 ng umaga.
Inabot ng mahigit isang oras na nagtagal ang limitadong biyahe dahil kinailangan munang alisin ang basura dahil sa pangambang sumabit pa ito sa mga bagon ng tren at maging sanhi ng mas matinding aberya tulad ng short circuit.
Kaugnay nito, nakiusap nman si MRT-3 General Manager Renato San Jose sa mga dumadaan sa footbridge sa ibabaw ng MRT na huwag basta-basta magtapon ng basura sa kung saan-saan upang maiwasan ang aberya sa biyahe.
Ang MRT-3 ang nag-uugnay sa North Avenue at Taft Avenue sa Pasay City via EDSA.