Trillanes sinisi sa ’di pagdalo ni Binay

MANILA, Philippines - Matatalim na mga pananalita ni Senador Antonio Trillanes ang nagbunsod ng desisyon ni Vice President Jejomar Binay na huwag dumalo sa mga pagdinig ng Se­nate Blue Ribbon Committee.

Ito ang nabatid kay United Nationalist Alliance (UNA) interim president Toby Tiangco na nagsa­bing pinag-uusapan pa rin nina Binay at ng kanyang mga adviser kung ha­harap o hindi ang Bise Pre­sidente nang ma­-monitor nila ang mga ba­lita hinggil kay Trillanes.

“Naibalita sa akin na masinsinan silang nag-uusap hanggang kinagabihan nang mamonitor nila ang sinabi ni Trillanes na gigisahin si VP at pauupuin sya ng anim na oras para sumagot ng tanong. Sinelyuhan ng pahayag na ito ang desisyong huwag pumunta. Malinaw na kahit tiniyak ni Senador Guingona sa sulat nito kay VP na tatratuhin ito nang may respeto, babastusin at tatratuhin na parang kriminal siya nina Trillanes,” paliwanag ni Tiangco.

Sa puntong ito, ayon kay Tiangco, itinuloy ng legal team ang pagsasa­pinal ng affidavit na isusumite sa Senate Blue Ribbon Committee. 

Ayon pa kay Tiangco, ang pagharap ni Binay sa pagdinig ay makakaapekto sa susunod na mga bise presidente na maaaring ipatawag ng mga senador na tulak ng personal na adyenda.

“Sa buong kasaysayan ng bansa, wala pang Bise Presidente ang humarap sa Senado dahil yan ay bahagi ng res­peto sa institusyon. Ang pagharap ng Bise Presidente ay makakaapekto sa ibang susunod na mga pangalawang pangulo sa hinaharap na maaaring ipatawag at pahiyain at ang kanyang mga karapatan ay lalabagin ng ilang senador na merong motibong pulitikal,” sabi pa ni Tiangco.

 

Show comments