Probe inisnab ni Binay
MANILA, Philippines - Mapapahamak lang ang susunod na mga bise presidente ng bansa sa hinaharap kung dadalo si Vice President Jejomar Binay sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa ilang mga isyung ipinupukol sa kanya.
Ito ang paliwanag ni Binay nang magdesisyon siyang huwag nang sumipot sa pagdinig ng Senado dahil anya magbibigay ito ng maling batayan sa hinaharap na ang pangalawang pangulo ng bansa ay maaaring ipatawag na lang ng sino mang senador.
Bukod dito, ayon pa kay Binay, hindi naman handang makinig ang dalawa sa mga miyembro ng sub-committee na sina Senators Antonio Trillanes at Alan Peter Cayetano sa anumang paliwanag na “sumasalungat sa kanilang konklusyon na ako ay nagkasala.”
“Ito ay magbibigay ng maling batayan sa hinaharap, kung saan ang Pangalawang Pangulo, ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, ay maaaring ipatawag sa mga pagdinig ng ilang mga senador,” ayon sa sulat na ipinadala ng Bise Presidente kay Senador Teofisto Guingona III, tagapangulo ng komite.
Ganunpaman, nagbigay ang Bise Presidente ng sinumpaang salaysay sa mother committee na inaasahan niyang isasama sa record ng pagdinig.
“Ang sinumpaang salaysay ay nagsasaad ng aking detalyadong sagot sa mga walang basehang paratang at mga kasinungalingan ng aming mga kalaban sa pulitika, at sa hayagang pagkampi sa kanila at paninira sa amin ng mga kasapi sa Senate subcommittee sa mga bagay na nilalaman ng Resolution 826. Hiling ko na ito ay isama sa rekord ng Senado.”
Idiniin din ni Binay na sina Rep. Toby Tiangco, ang interim president ng United Nationalist Alliance (UNA), at Atty. JV Bautista, interim secretary general ng UNA, ang awtorisadong kinatawan niya sa mga pagdinig.
Kaugnay nito, binatikos ni Binay ang ginawa ni Cayetano na pinaalis sa pagdinig sina Tiangco at Bautista noong Oktubre 30.
“Ito ay ipinapakita nila sa kanilang patuloy na panghahamak, pangmamaliit, pambabara, at pananakot sa mga ordinaryong mamamayan na ang mga testimonya ay kontra sa kanilang kongklusyon,” aniya.
Binanggit din ng Bise Presidente ang kawalang-aksyon ng liderato ng Senado na punahin ang asal ng mga senador at paglabag nila sa batas at mga karapatan.
Sabi ng Bise Presidente na sa pagbulag-bulagan o pagkunsinti ng liderato ng Senado sa inasal ng mga senador, hindi niya matatanggap ang paniniguro na gagawaran siya ng respetong angkop sa kanyang posisyon at irerespeto ang kanyang mga karapatan.
Sinabi ni Binay na noong una ay naisip niyang dumalo upang linawin at pabulaanan ang mga paratang laban sa kanya ngunit nagbago ang isip niya dahil sa mga inasal nina Senador Trillanes at Cayetano sa mga nakaraang pagdinig.
“Tiniyak mo sa iyong sulat na kung ako ay haharap sa Senado, gagawaran ako ng patas na pagdinig at bibigyan ng respeto na angkop sa aking posisyon bilang Pangalawang Pangulo ng bansa,” sabi ni Binay sa kanyang sulat kay Guingona. “Ngunit may mga pangyayari sa nakalipas na mga araw na nagbigay sa akin ng pagdududa at agam-agam, lalo na ang mga inasal nina Senador Trillanes at Cayetano,” sinulat pa ni Binay.
- Latest