MANILA, Philippines - Simula bukas asahan ang tapyas- presyo sa tinapay hanggang bago magpasko.
Nabatid sa Department of Trade and Industry (DTI) na hindi pa sila kuntento sa ipapatupad na 50 sentimos na bawas sa presyo sa kada loaf ng Pinoy Tasty, gayundin ang 25 sentimos naman sa kada pack ng 10 pirasong pandesal na magiging epektibo na bukas.
Mula sa kasalukuyang P37.00 presyo ng Pinoy Tasty ito’y magiging P36.50 habang ang Pinoy Pandesal na nabibili sa P22.50 kada sampung piraso ay magiging P22.25 na lamang.
Giit pa rin ni DTI Undersecretary Victorio Dimagiba, tuloy-tuloy pa rin ang pagbaba ng presyo ng trigo sa world market kaya dapat lamang na sumunod din sa bawas presyo ng harina na pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay.
Kung kaya’t ayon kay Dimagiba, muli nilang ihihirit ang dagdag pang 50 sentimos bawas sa presyo ng Pinoy Tasty gayundin ang dagdag pang 25 sentimos sa pack ng pandesal.
Target nilang maipatupad ito bago ang Pasko upang makumpleto na rin ang pamaskong handog para sa mga mamimili.