Binay dumalo sa Cabinet meeting

Dumalo kahapon sa Special Cabinet Meeting na ipinatawag ni Pangulong Aquino si Vice President Jejomar Binay kaugnay sa recovery at rehabilitation plan para sa Yolanda-hit areas. MALACAÑANG PHOTO

MANILA, Philippines - Matapos sabihin ni Pangulong Aquino kay Vice Pres. Jejomar Binay na malaya itong magbitiw sa kanyang Gabinete kung hindi na ito masaya ay dumalo ang huli sa ipinatawag na Special Cabinet Meeting sa comprehensive recovery and rehabilitation plan para sa Yolanda-hit areas sa Malacañang.

Ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na pinamumunuan ni Binay ang inatasan na magtayo ng mga permanent housing units para sa mga biktima ng Yolanda sa safe zone area.

Dumalo din sa nasabing special meeting si DILG Sec. Mar Roxas kahit late ito dahil nagmula pa raw sa pulong ng NCRPO sa Camp Crame.

Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., kabilang sa tinalakay ang mabilis na pagpapatupad sa P16.7 bilyong comprehensive master plan para sa Yolanda.

Samantala, hindi ang Tacloban City na may mahigit 2,500 ang nasawi sa Yolanda ang bibisitahin ni PNoy kundi ang Guiuan, Eastern Samar kung saan nasa 110 katao ang namatay sa storm surge.

Ang bayan ng Guiuan ang unang nakaranas ng hagupit ng super typhoon Yolanda ng mag-landfall ito noong alas-4:40 ng madaling araw ng Nob. 8, 2013.

Batay sa ulat, nasa 110 ang nasawi sa bayan ng Guiuan habang 3,625 ang nasaktan at tinata­yang nasa P7.17 bilyong halaga ng ari-arian at infrastructures ang nawasak.

Hindi na nasorpresa si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez sa na­ging pasya ni Pangulong Aquino na huwag dalawin ang mga biktima ng Yolanda sa kanilang lungsod.

Nasa 2,669 ang nasawi sa pananalasa ni Yolanda sa kanilang bayan.

Sabi ni Romualdez, noong Oct. 20 ay nagtungo si PNoy sa Leyte Landing anniversary sa Palo, Leyte pero hindi man lamang ito sumilip para kamustahin ang mga Yolanda victims sa Tac­loban.

Wala pang total death toll na inilabas ang gobyernong Aquino sa kabuuang nasawi sa typhoon Yolanda.

Show comments