Pagbusisi sa ICC sinuportahan

MANILA, Philippines – Sinusuportahan ng mga makaadministrasyong senador ang pana­wagan sa Senado na imbestigahan ang umano’y overprice sa pagpapagawa ng P700 milyong Iloilo Convention Center sa kabila ng mga pahiwatig na meron umanong kickback sa proyekto si Senate President Franklin Drilon at iba pang mga opisyal.

Nakiisa sina Senators Antonio Trillanes IV at Vicente Sotto III kina Senators Alan Peter Ca­yetano at Aquilino Pimentel III sa paghingi ng imbestigasyon sa bintang na overpri­cing dahil, kung hindi, maaakusahan lang ang Senado na hinahabol lang nito ang tinatawag na mga kaaway sa oposisyon.

Sinabi ni Trillanes na wala siyang nakikitang problema kung iimbestigahan ng Senado ang naturang isyu  tulad ng ginawang pagpapahintulot ng Senado sa plenary session ng pagbuo ng Blue Ribbon sub-committee na nagsiyasat sa umano’y overpricing sa pagpapagawa ng Building 2 ng Makati City Hall.

Idinawit sa kontro­bersiyal na Building 2 si Vice President Jejomar Binay na nabibilang sa oposisyon at ang kanyang pamilya.

Ayon naman kay Sotto, susuportahan niya ang imbestigasyon sa ICC kung ito ay “in aid of legislation.” Pinuna niya na merong hibla ng political persecution ang ginanap na mga pagdinig sa kaso ng Priority Development Assistance Fund at sa katiwaliang inuugnay kay Binay.

Show comments