MANILA, Philippines - Isang umano’y hindi makataong patakaran sa National Kidney and Transplant Institute ang unti-unting pumapatay sa mga kidney patient bagaman inaasahan sa mga ospital ang pagbibigay ng buhay at pag-asa sa mga pasyente nito, ayon sa Peritoneal Dialysis Society of the Philippines.
Sinasabi sa pahayag ng PDSP na, sa kasalukuyan, dalawang peritoneal dialysis patients ang namatay at 66 ang dinala sa emergency room dahil hindi sila nakakuha ng kinakailangan nilang gamot.
Simula noong Oktubre 3, tumatanggi na ang NKTI na kilalanin at tanggapin ang mga guarantee letter na ipinapalabas ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) makaraang matuklasan ng ospital ang hinggil sa isang pasyente na nagbenta ng ilan niyang peritoneal dialysis solutions kapalit ng pera para sa kanyang pamasahe. Isang buwan nang naghihintay ang pasyente para kilanlin.
“Walang habas na pinarusahan ng pangasiwaan ng NKTI ang mahigit 1,000 peritoneal dialysis patients sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga GL mula sa PCSO. Halos isang buwan nang hindi nagagamot ang marami sa amin,” hinaing ni PDSP President Maximo Tabancora.
Sumulat ang grupo sa NKTI para hingin ang paliwanag pero hindi ito umaaksyon. Nagsagawa nga ng kilos-protesta ang grupo sa main gate ng NKTI.
Mayorya ng mga PD patient sa naturang ospital ay mahihirap at umaasa lang sa kawanggawa at guarantee letter ng PCSO para makakuha ng peritoneal solutions para sa kanilang dialysis. Kung walang dialysis, maaaring mamatay ang isang PD patient dahil sa mataas na toxin level sa sistema ng katawan.
Hinihinala naman ng mga kasapi ng PDSP na biglang itinigil ng NKTI ang pagtanggap sa GL ng PCSO dahil sa hangarin ng ospital na pilitin ang mga pasyente na gamitin ang kontrobersiyal na Care Rate Package scheme gamit ang PhilHealth package para pagkakitaan.