Binay umamin sa isang panayam na may babuyan sa Batangas

MANILA, Philippines - Inihain ngayong Huwebes sa Senado ang isang taped media interview noong 2010 kung saan inamin ni Bise President Jejomar Binay na may binili siyang piggery sa Batangas.

Sa naturang panayam ay inamin ni Binay kay Raissa Robles noong Hunyo 29, 2010 na mayroon siyang biniling babuyan na 10-hektarya ang laki.

Dagdag niya na binili niya ito sa halagang P30 per square meter.

Kaugnay na balita: 'Binay dummy' naghain ng hindi notaryadong papeles sa Senado

Humarap din si Robles sa Senate Blue Ribbon Sub-committee kung saan sinabi niyang sa bahay ni Binay sa Makati naganap ang panayam.

Binanggit din ng mamamahayag na may napansin siyang glass bowls sa bahay ni Binay kung saan may nakalagay na "Batangas" at "Alfonso."

Si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado ang nag-akusa kay Binay na nagmamay-ari ng 350-hektaryang lupa sa Rosario, Batangas.

Kaugnay na balita: 'Binay dummy' handang makulong

Pinabulaanan na ito ng kampo ng Bise Presidente at sinabing nirentahan lamang ang lupa sa JCB Farms.

Sinabi pa ng abogadong si Martin Subido na hindi kailanman itinanggi ni Binay na siya ang may ari ng JCB Farms, patunay dito ang pagsaad nito sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

"From 1994 to 2010, the Vice President operated a piggery business in Rosario, Batangas. This piggery business was a sole proprietorship duly reported in his SALNs and in his ITRs," pahayag ni Subido.

"The Vice President did not own any land where his piggery business was operated. Rather, he was a lessee of around nine hectares of land, with the improvements he introduced for the piggery business duly reported as 'Leasehold Improvements."

Paliwanag pa ni Subido na binenta ni Binay ang babuyan sa Agrifortuna Inc., na pagmamay-ari ni Laureano Gregorio.

Si Gregorio ang sinasabi ng negosyanteng si Antonio Tiu na binilhan niya ng hacienda.
 

Show comments