MANILA, Philippines - Nais ng Department of Education (DepEd) na matutuhan ng mga mag-aaral ang kahalagahan ng pagtitipid ng bigas.
Ito’y kasunod na rin ng ulat na mahigit sa P7 bilyong halaga ng bigas ang nasasayang lamang taun-taon.
Kaugnay nito, hinimok ng DepEd ang lahat ng public at private schools sa buong bansa na makiisa sa mga aktibidad para sa National Rice Awareness Month ngayong Nobyembre.
Alinsunod sa memorandum ni DepEd Sec. Armin Luistro, ang mga aktibidad para sa nasabing pagdiriwang ay dapat na maituro sa mga estudyante ang hirap ng mga magsasaka sa pagtatanim at pag-ani ng palay.
Inihayag pa ng kalihim ang findings ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) na ang bawat isang Pinoy ay nagsasayang ng siyam na gramo o dalawa hanggang tatlong kutsarang bigas araw-araw, na katumbas ng pagkain ng may 2.5 milyong tao sa loob ng isang taon.
Kalimitan aniyang nasasayang ang bigas kung labis-labis ang isinasaing, isinisilbi at hindi kinakain kaya’t natatapon lamang.
Ayon kay Luistro, layunin ng month-long activities na isulong ang “rice-ponsibility” sa bawat Pinoy.
Hinikayat din ng kalihim ang lahat ng department officials, employees, mga guro at mga mag-aaral sa public at private schools sa buong bansa na maglunsad ng information campaigns hinggil sa bigas at i-recite ang “Panatang Makapalay”o Rice Pledge sa pagtatapos ng flag-raising ceremony tuwing umaga ng buwan ng Nobyembre.