MANILA, Philippines - Pinaaaksyunan ng isang kongresista sa mga awtoridad ang magkakasunod na bomb threat sa mga eskwelahan at unibersidad sa Metro Manila.
Sinabi ni Pasig City Rep. Roman Romulo, chairman ng House Committee on Technical and Higher Education, dapat pagbutihin ng mga awtoridad ang kanilang trabaho upang mahuli ang nasa likod ng mga kalokohang bomb threats.
Giit ni Romulo, kahit sa telepono man, text message, email o social media ang pananakot ay dapat may kakayahan ang pulisya na agad tukuyin at hulihin ang mga nagpapakalat nito.
Hindi umano ordinaryong biro ang tungkol sa bomba dahil nakaaabala ito at nagdudulot ng takot gayundin pag-aaksaya umano ito ng resources ng mga awtoridad na reresponde tuwing may bomb scare totoo man o hindi.
Ang pahayag ay ginawa ni Romulo matapos ang panibagong false bomb threat sa University of the Philippines.
Pabor din ang mambabatas na patawan ng mas mabigat na parusa ang sinumang sangkot sa bomb scares sa mga paaralan, opisina at iba pang vital installation tulad ng paliparan.
Base sa record, sa loob lamang ng kasalukuyang buwan apat na eskwelahan sa Quezon City ang tumanggap ng bomb threat kabilang dito ang Miriam College, World Citi Colleges, Claret School at Holy Family School gayundin ang San Beda College sa Maynila.