MANILA, Philippines – Napilitan kahapon ang anim sa 13 konsehal ng Caloocan City Council na maglagak ng piyansa para sa pansamantalang kalayaan kaugnay ng kasong contempt na isinampa ng isang huwes ng Caloocan City Regional Trial Court na nag-ugat sa kasong sibil sa nabiling piraso ng lupain ng pamahalaang lungsod noong 1996.
Kabilang sa naglagak ng tig-P100, 000 piyansa, sina Councilors Susana Punzalan, Marylou Nubla, Luis Chito Abel, Allen Aruelo, Tolentino Bagus, at Carolyn Cunanan. Kasama ng mga konsehal sa paglusob at pagmamartsa mula sa Caloocan City Hall kahapon ng umaga tungo sa Caloocan Hall of Justice ang higit sa 500 residente na mga naninirahan sa 6,901 metro kuwadradong lupain sa Maypajo, Caloocan.
Binigyan naman ng palugit ni Caloocan RTC Branch 125 Judge Dionisio Sison sina Caloocan Vice-Mayor Macario Asistio at ang nalalabing pito pang mga konsehal na mabayaran ang itinakdang piyansa sa loob ng limang araw o hanggang Biyernes upang hindi na magpalabas ng warrant of arrest laban sa kanila.
Sinabi ni 2nd District Councilor Bagus na nagdesisyon siyang bayaran ang piyansa upang matapos na ang higit isang linggong alalahanin sa posibleng pagkakulong habang inaasikaso nila ang apelang isinampa naman sa Court of Appeals.
Nilinaw naman ni Mayor Oscar Malapitan na may sapat na pondo ang pamahalaan para mabayaran ang iginigiit na P134 milyon bayarin ng korte para sa naturang lupain kasama ang interes mula noong 1996. Handa umanong magbayad ang lokal na pamahalaan basta naaayon sa tamang proseso kung saan kailangan pang dumaan ang usapin sa Commission on Audit at Court of Appeals.
Sa rekord, nakuha ng lokal na pamahalaan ang naturang lupain noong Agosto 1996 buhat sa Recom Realty Corp sa halagang P49.7 milyon. Tanging P2.4 milyon lamang ang inisyal na nabayaran noong 1998 hanggang sa maiakyat ang usapin sa pagbabayad sa lupa hanggang ngayong taon.