MANILA, Philippines - Kapag naaprubahan at naging ganap na batas ang bagong panukala ni Las Piñas Congressman Mark Villar, makakatanggap na rin ng maternity leave ang mga empleyada ng gobyerno na hindi kasal o walang asawa.
Pinuna ni Villar na, sa kasalukuyan, ang mga dalagang buntis na hindi kasal at nagtatrabaho sa pribadong sektor ay nakakatanggap ng maternity leave pero yaong tulad nila na nagtatrabaho sa gobyerno ay walang ganitong benepisyo.
Nais itama ni Villar ang anomalyang ito kaya isinampa niya ang House Bill 5108, o ang “Act Granting Universal Maternity Leave Benefits to Women in Government Service.”
Ang HB 5108 ay nagbibigay sa mga kababaihan na nagtatrabaho sa gobyerno ngunit walang asawa ng maternity leave benefits na kapareho ng halaga ng kanilang pang-araw-araw na sahod nang 60 na araw. Kung caesarean naman ang paraan ng panganganak, ang benepisyo ay katumbas ng sahod nang 78 na araw. Makakakuha ang mga kababaihan ng benepisyo kahit na sila ay nakunan.
Sinabi rin ni Villar na hindi lamang ang babaeng buntis ang may karapatan, ngunit pati ang kanilang mga hindi pa isinisilang na anak. Ang mga batang ito ay may karapatang maprotektahan ng gobyerno. Kaya sabi ni Villar, walang basehan ang hindi pagbigay ng benepisyo sa mga kababaihan sa gobyerno sa kadahilanan na sila ay hindi kasal.
“Sana ay matanggal na natin ang mga patakaran na nagdidiskrimina sa mga babae sa pamamagitan ng paggawa ng pagkakapantay-pantay ng mga babae. Ang ikabubuti ng mga nagbubuntis na babae, pati na rin ng kanilang mga hindi pa ipinanganganak na sanggol, ay dapat bigyan ng importansya. Pinapahalagahan dapat ang lahat ng babae, kahit kasal pa siya o hindi,” dagdag ni Villar.