MANILA, Philippines - Ginagamit umano ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado ang ‘immunity’ na ipinagkaloob sa kanya ng Senado para makapagpakalat siya ng mga gawa-gawang kuwento laban kay Vice Pres. Jejomar Binay.
Ito ang akusasyon ni United Nationalist Alliance Interim Secretary General JV Bautista na pumuna pa na lumitaw muli ang mga kasinungalingan ni Mercado sa pagdinig noong Miyerkules ng Senate Blue Ribbon subcommittee.
Sinabi ni Bautista na ipinakita ni Mercado sa isang Powerpoint presentation ang mga resibo at billing statement mula sa Tagaytay Highland na nagpapahiwatig na pag-aari ni Binay ang mountain resort.
Gayunman, nagpalabas ng pahayag ang Belle Corporation na developer ng Tagaytay Highland na naglilinaw na walang log cabin dito ang Bise Presidente.
“Walang rekord ang Tagaytay Highland na merong pag-aaring log cabin doon ang Bise Presidente. Ang signing privilege na tinutukoy ni Mercado ay maaari ring angkinin ng sino mang Highland club member na tulad ng VP at hindi lang ng unit owner. Ngayong nalinawan na ito, ano pa ang susunod nilang witch hunt?” wika ni Bautista.
Binatikos din ng opisyal ng UNA ang mga miyembrong senador ng subcommittee dahil sa paunang hatol sa pagdinig at pagpapahintulot kay Mercado na magtahi ng mga istorya at walang basihang akusasyon kahit walang ipinapakitang material evidence.
Pinuna rin ni Bautista na hindi lang si Mercado ang naglalaro sa katotohanan. Ganito rin anya ang ginagawa ni Trillanes nang walang ipinapakitang ebidensiya.
Binatikos din niya si Sen. Alan Cayetano na wala umanong ginagawa kahit alam nitong maraming beses nagsisinungaling si Mercado.
“After almost a month, Sen. Alan Peter Cayetano admits chartering the helicopter that took aerial photos of Sunchamp Agri-Tourism Park’s property. Sen. Cayetano knew Mr. Mercado was lying when he claimed he paid for and was on board the helicopter. Pero hinayaan nya,” sabi ni Bautista.