VP iimbitahan na ng Blue Ribbon

MANILA, Philippines – Tinanggap kahapon ni Sen. Teofisto Guingona III ang hamon ni Vice Pres. Jejomar Binay na imbitahan siya ng mismong Blue Ribbon Committee at hindi ng sub-committee lamang na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel.

Sinabi ni Guingona na magpapalabas siya ng imbitasyon laban kay Binay matapos itong magpahayag na posibleng ikonsidera niya ang pagdalo sa hearing.

Nilinaw ni Guingona na hindi subpoena ang ipalalabas ng kanyang komite at isang imbitasyon lamang.

“Mag-uusap kami ni Sen. Koko Pimentel after this (hearing) kung kelan yung invitation. Invitation lang naman, invitation lang muna,” ani Guingona na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagpakita sa hearing ng sub-committee.

Tiniyak din ni Guingona na igagalang si Binay sa sandaling humarap ito sa pagdinig ng komite.

Show comments