Solons sa DAP pinagpapaliwanag
MANILA, Philippines – Dapat magpaliwanag sa sambayanang Pilipino ang mga mambabatas at ahensiya ng pamahalaan na nakatanggap at tagapagtanggol ng pondo.
Ginawa ni United Nationalist Alliance interim President Toby Tiangco ang hamon makaraang i-report ng Commission on Audit na nabigo ang DAP na matugunan ang layunin nitong pasiglahin ang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Tiangco, ang mga senador at kongresista na nangunguna sa witch hunt laban kay Vice President Jejomar Binay ay dapat magpahayag hinggil sa tinanggap nilang pera mula sa DAP.
Sinabi pa ni Tiangco na mas malaking pondo mula sa DAP ang natanggap ng mga makaadministrasyong mambabatas kaya pinagtutulung-tulungan nila ngayon ang Bise Presidente para mailihis ang atensiyon ng publiko mula sa pagkakasangkot nila sa DAP na labag sa Konstitusyon.
Makaraang ideklara ng Supreme Court na iligal ang DAP, opisyal na i-nireport ng COA na walang saysay ang DAP at nabigo itong matamo ang hangarin na pasiglahin ang ekonomiya.
Isinasaad sa isang report kamakailan ng COA na hindi natamo ang layunin ng DAP na pabilisin ang gastusin ng pamahalaan dahil sa naantala, mabagal o hindi nailabas na pondo para sa mga nagpanukala ng proyekto.
Idinagdag ni Tiangco na ang kontrobersiyal na DAP ay isang suhol lang para matiyak ang impeachment laban sa noon ay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
- Latest