MANILA, Philippines – Nabigo kahapon ang negosyanteng sinasabing “dummy” ni Vice Pres. Jejomar Binay na kumbinsihin ang Senate Blue Ribbon sub-committee na siya ang may-ari ng 350 ektarya ng lupain sa Rosario, Batangas na tinatawag na “Hacienda Binay”.
Ayon kay Antonio Tiu, presidente ng Sunchamp Real Estate and Development Corp., wala siyang mga titulo at dokumento na magpapatunay na kumpanya niya ang nagmamay-ari ng kontrobersyal na Hacienda Binay.
Inamin ni Tiu na ang kumpanya niyang Sunchamp ay bumili lamang ng karapatan (usufruct) mula kay Laureano Gregorio para magamit ang Hacienda Binay bilang Agro-Tourism Park.
Kabaligtaran ito ng sinasabi ng Pangalawang Pangulo sa kanyang mga pahayag na si Tiu na ang nagmamay-ari ng Hacienda Binay matapos na ibenta ni Binay ang kanyang interes sa Agrifortuna Inc.
Ang Agrifortuna Inc. ang kumpanya na itinayo ni Binay taong 1994 para magpatakbo ng negosyong babuyan (piggery business) habang nanunungkulan bilang Mayor ng Makati.
Sa masusing pagtatanong ni Sen. Alan Peter Cayetano, inamin ni Tiu na nasa P11 milyon pa lamang ang kanyang naibabayad para sa P446 milyong halaga ng property.
Bahagi umano ito ng P446 milyon na kailangan niyang bayaran para mailipat sa kanya ang pagmamay-ari ng kontrobersyal na asyenda sa Batangas.
Kinuwestiyon ng mga senador kung bakit pinapalabas ni Tiu sa mga interview nito sa media na siya na ang may-ari ng nasabing property sa Batangas.
Napilitan ding umamin si Tiu na kailangan pa niyang mangumbinsi ng ilang mamumuhunan para mabuo ang Sunchamp dahil matagal nang nalulugi ang mga itinayo niyang kumpanya.
Nauna nang ibinulgar sa Senado ni dating Makati Mayor Ernesto Mercado na si Binay ang tunay na may-ari ng Agrifina Corp.
Nasa loob ng hacienda ang isang air-conditioned na babuyan (piggery), hardin ng mga bulaklak na pambenta (flower orchard) at alagaan ng manok panabong (cock farm).
Matatagpuan din sa loob ng hacienda ang dalawang mansyon, man-made lagoon at swimming pool.
Magkakasya sa nasabing lupain ang anim na Rizal Park sa Maynila at 14 na Quezon Memorial Circle.