MANILA, Philippines – Hindi sumipot sa preliminary investigation ang US Marine na si Private First Class Joseph Scott Pemberton na pangunahing suspek sa pamamaslang sa Pinay transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer.
Iginiit kahapon sa Olongapo City Prosecutor’s Office ng abogado ng US Marine na si Atty. Rowena Garcia-Flores na hindi umano obligado ang kaniyang kliyente na humarap sa imbestigasyon.
Sinabi naman ni Justice Secretary Leila de Lima na makukuha lamang ang custody ni Pemberton sakaling maglabas ng warrant of arrest ang korte laban dito.
Ayon kay de Lima, hindi maaaring ikulong si Pemberton dahil isinasagawa pa lamang ang preliminary investigation at hindi inquest proceeding kung ang suspek ay nahuli sa aktong ginagawa ang krimen.
“Nililinaw ko po na ang appropriate time that we demand for his custody is kapag ho meron nang warrant of arrest na ini-issue ang korte, kasi sa kahit ano naman hong kaso ... ‘pag sa stage po ng preliminary investigation, hindi pa naman ho natin ‘yan pwedeng ikulong,” ani de Lima.
Dumalo sa prelim ang kapatid ng transgender na si Marilou, German fiancé na si Mark Sueselbeck at abogadong si Harry Roque.
Nakatakdang i-cremate ngayong Biyernes, Oktubre 24, si Laude.